ChatBox

Sunday, June 15, 2014

ang kasaysayan ng ating bansa

I. MAYAMAN ANG PILIPINAS PERO NAGHIHIRAP 
ANG SAMBAYANANG PILIPINO
A. Ang bayang Pilipinas at mamamayang Pilipino
1. Anu-ano ang mga katangian ng Pilipinas?
Ang Pilipinas ay isang kapuluang may mabundok na kalupaan. Mayroon itong 30,000,000 ektaryang sukat ng lupain. Binubuo ito ng 7,100 pulo. Tatlo rito ang malalaking grupo ng mga pulo: Luzon, Visayas at Mindanao.
Ang Pilipinas ay nasa Timog-Silangang Asya.Napapaligiran ito ng Karagatang Pasipiko, Dagat Tsina at Dagat Celebes. Nasa bandang hilaga nito ang Tsina at bandang timog naman ang Indonesia at Hilagang Borneo. (Tingnan ang mapa.)
Ayon sa datos ng 1995, ang populasyon ng Pilipinas ay mga 65,000,000 na. Pitumpu't limang porsyento (75%) ang naninirahan sa kanayunan at 25 porsyento ang nasa kalunsuran.
May ilang lahing pinagmulan ang mga Pilipino. Pangunahin sa mga ito ang lahing Malayo. Makabuluhang ambag sa makalahing komposisyon ng mamamayan ang Indones at Tsino. Mayroon ding halong mga lahing Arabe, Indian, Espanyol, Amerikano at Negrito, pero maliit na porsyento lamang ang mga ito.
Pambansang minorya ang di bababa sa 14 porsyento ng populasyon. Kabilang sa kanila ang mga unang nanirahan sa kapuluan sa loob ng ilampung libong taon bago dumating ang mga kolonyalistang Espanyol. Hanggang nitong ilampung taong nagdaan, sila ang naninirahan sa mas malaking bahagi ng kapuluan bago sila itinaboy at inapi ng mga mang-aagaw ng lupa.
Mahigit 100 lenggwahe at diyalekto ang sinasalita ng mga mamamayan. Ang limang lenggwaheng sinasalita ng nakararami ay Tagalog, Cebuano, Ilokano, Ilonggo at Bikol. Ang Tagalog ang basihan ng pambansang wika. Sinasalita ito ngayon ng mamamayan sa iba't ibang katatasan.
2. Anu-ano ang likas na yaman ng Pilipinas?
Sagana sa likas na yaman ang Pilipinas. Dahil sa mga kabundukan na karamiha'y dating bulkan, sa maraming ilog at sa klimang tropikal, matabang-mataba ang lupaing pang-agrikultura ng Pilipinas. Bagay ito sa maraming klase ng pananim na makakain tulad ng palay, mais, gulay, prutas at halamang-ugat, at iyong magagamit sa industriya tulad ng abaka, goma, niyog, tubo at iba pa.
Malawak ang kagubatan ng Pilipinas. Sagana ito sa mga kahoy at iba pang yamang-gubat na magagamit sa iba't ibang pangangailangan ng mamamayan.
Sa mga kabundukan at kapatagan, makukuha ang maraming mineral tulad ng ginto, tanso, langis, pilak, karbon, bauxite, uranyum at nikel. Sapat ang mga ito para makapagsarili ang Pilipinas sa pagpapaunlad ng mga industriya.
Sagana sa isda at iba pang yaman ang mga ilog, lawa, look at dagat. Maaaring kontrolin ang prinsipal na mga ilog para mapatubigan ang mga sakahan at mabigyan ng kuryente ang bawat parte ng bayan. Ginagamit din para sa transportasyon ang mga ilog, lawa, look at dagat. Marami ring mahuhusay na daungan ang Pilipinas.
Kung ang mamamayang Pilipino mismo ang gagamit at lilinang sa likas na yaman ng Pilipinas para sa sariling pakinabang, sobra-sobra pa ito para sustinihin ang populasyong makailang beses ang laki kaysa sa kasalukuyan. Gayunman, ang mamamayang Pilipino ay pinipigilan ng imperyalismong US, katutubong pyudalismo at burukratang kapitalismo na gamitin ang likas na yaman nila para sa sariling bentahe. Sa ngayon, ang likas na yamang ito ay nililinang ng imperyalismong US at lahat ng alipuris nito para sa sarili nilang ganansya at ayon sa makikitid nilang pakana na nakapipinsala sa masang anakpawis.
B. Nahahati sa iilang naghaharing uri at nakararaming pinagsasamantalahan at inaapi ang lipunang Pilipino.
1. Sinu-sino ang kumokontrol at nagpapasasa sa yaman ng Pilipinas?
Ang kumokontrol at nagpapasasa sa yaman ng bayan ay ang imperyalistang US at iba pang dayuhang imperyalista, at ang kasabwat nilang lokal na mga naghaharing uri na malaking burgesyang kumprador at mga panginoong maylupa. Binubuo nila ang isang porsyento (1%) lamang ng populasyon ng Pilipinas.
Sila ang lubos na nakikinabang sa likas na yaman ng bayan, sa pwersang paggawa at sa yamang likha ng mamamayang Pilipino. Sila rin ang may kontrol sa reaksyunaryong gubyerno at reaksyunaryong armadong pwersa sa Pilipinas. Sila ang bumubuo sa mga naghaharing uri na nang-aapi at nagpapahirap sa sambayanang Pilipino. 
2. Ano ang kalagayan ng sambayanang Pilipino? 
Binubuo ang sambayanang Pilipino ng mga manggagawa, magsasaka, mala-proletaryado, petiburgesya at pambansang burgesya. Binubuo nila ang 99% ng populasyon ng Pilipinas. 
Ang sambayanang Pilipino ay isang makapangyarihang pwersa para sa pag-unlad. May angkin silang lakas at talino para magpakahusay sa iba't ibang larangan ng gawain sa lipunan at may dakilang tradisyon ng magiting na paglaban sa dayuhan at lokal na pagsasamantala at pang-aapi. Kaya nilang magtayo ng lipunang nagkakaisa, makatarungan at maunlad.
Sa lakas at talino ng sambayanang Pilipino, naipundar ang malawak na agrikultura, mga pabrika, minahan, transportasyon at komunikasyon na bumubuhay sa lipunan. Dapat sana'y sila ang nagtatamasa sa mga biyaya ng mga ito. Pero sila ang naghihirap at matinding pinagsasamantalahan at inaapi ng mga dayuhan at lokal na naghaharing uri.
Pinipiga ng iilang imperyalistang dayuhan at mga lokal na naghaharing uri ang lakas at talino ng mamamayan para sa kanilang pakinabang. Kaya, mayaman man ang Pilipinas, dumaranas ng sobrang kahirapan ang sambayanang Pilipino. 
Naghihirap ang mga manggagawa dahil sa kawalan ng pag-aari at pagbebenta ng kanilang lakas-paggawa upang lumikha ng tubo para sa mga kapitalista kapalit ng napakababang sahod, di makataong kalagayan sa paggawa at kawalan ng seguridad sa trabaho. Pinagsasamantalahan sila ng mga kapitalistang dayuhan at lokal.
Ang mga magsasaka, na ang mayorya ay wala o kulang ang lupa ay inaapi at pinagsasamantalahan ng luma at bagong tipong mga panginoong maylupa.Pasanin nila ang mataas na upa sa lupa, mababang sahod at usura. Patuloy silang inaagawan ng lupa ng mga panginoong maylupa, burukratang kapitalista at korporasyong dayuhan.
Naghihirap ang mga malaproletaryado dala ng kawalan ng ari-arian, di-sapat na sahod, iregular na kita at kawalan ng tiyak na trabaho.
Dumadausdos naman ang kabuhayan ng petiburgesya. Bumababa ang tunay na halaga ng maliit nilang kita. Namemeligro ang seguridad nila sa trabaho. Bumabagsak din ang maliliit nilang negosyo dahil sa taas ng interes sa utang, taas ng buwis at kabulukan sa burukrasya.
Ginigipit ang pambansang burgesya ng malalaking kapitalistang dayuhan na nagtatambak ng yaring produkto sa Pilipinas at nagmamanipula sa mga saligang patakaran ng reaksyunaryong gubyerno kaugnay ng ekonomya, pananalapi, taripa at pagbubuwis at lokal na pagbebenta ng mga kalakal. Nasasagkaan din ng pyudalismo ang kanilang pagnanais na paunlarin ang kapitalistang produksyon. Dahil sa mga ito, nangangamba silang mabangkrap. Nauunsyami ang kanilang ambisyong maging malaking burgesya at magtayo ng estadong kapitalista sa ilalim ng paghahari uri nila.

No comments:

Post a Comment